
NAGBABABALA ang Philippine Coconut Authority sa sobra nang mahal na presyo ng kopra at langis ng niyog dahil nakasasama na sa lahat ng Pilipino.
Nagiging mataas umano ang presyo ng kopra at langis dahil sa mabili ito sa pandaigdigang merkado at kakaunti ang suplay mismo sa Pilipinas dahil biktima ito ng masamang panahon gaya ng nangyari noong 2013 na 33 milyong puno ang sinira ng bagyong Yolanda sa Leyte, Samar at iba pang karating na mga lalawigan.
Ayon sa PCA, mahigit doble na ang presyo ng kopra ngayon mula sa mga magniniyog (farmgate price) sa halagang P59.01 kada kilo kumpara sa P25.42 kada kilo noong Abril 2024.
Kaya pagdating sa coconut oil mills o millgate price umaabot na sa P77.02 kada kilo mula sa dating P33.75 kada kilo at mas mataas pa ito kumpara sa presyo sa krisis sa coconut oil nang maggiyera ang Russia at Ukraine.
At paglabas oil mills, may presyo nang P179.2-P185.92 kada kilo kumpara sa P99.68-P167.44 kada kilo noong 2024.
Ngayon, mga brad, kailangan mo ang mantika, pang-gugo o shampoo, sabon, gamot sa kidney, eczema at psoriasis, pangmasaheng langis, pampadulas, panghalo sa diesel na 3% na, pang-softdrink, coco sugar, pangginataan at maraming iba pa?
Huwag ka nang magtaka kung bakit napakamamahal na ang mga ito na galing hindi lang sa kopra at langis kundi sa buong bungang niyog mismo.
Lahat ng pamilya, mahirap at mayaman, bata at matanda gumagamit ng coconut oil, kopra at iba pang produktong niyog, pwera pa ang mga coco lumber, walis tingting at lambanog na napakamamahal na rin.
Malaking butas sa bulsa ng mga mamamayang consumer at maging sa mga magniniyog mismo bilang mga consumer din ng mga produktong coco oil ang napakamamahal na produktong niyog at nakadaragdag sa paghihirap ng marami.
Ano-ano ngayon ang gagawin ng PCA mismo at ng mga mamamayan?