MANILA, Philippines- Maaari pang mangampanya at tumakbo ang isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng ikalawang distrito ng lungsod ng Maynila kasunod ng naging desisyon ng Comelec second division sa pagkansela sa kanyang certificate of candidacy (COC) para sa midterm elections sa Mayo 12.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang kaso ng respondent/aspirant na si Cong. Darwin Sia ay ‘subject for motion for reconsideration’ o MR.
Nang tanungin si Garcia kung maaari pang mangampanya at tumakbo si Sia, ‘oo’ ang naging sagot ng poll chief.
Sa desisyon kasi ng Comelec Second Division, nakasaad na tinanggihan o kinansela ang COC ni Sia.
Sa panig naman ni Sia, sinabi ng konsehal na naghain na ng MR ang kanyang abogado sa Comelec.
“Nag file na attorney ko MR –tapos na term ko hindi pa tapos yang reklamo nila– paninira lang yan,” ayon sa text message ni Sia.
Ayon kay Sia, tapos na ang kanyang termino pero tila hindi pa tapos ang reklamo laban sa kanya na pinaniniwalaang isa lamang itong paninira.
Napag-alaman na inihain ang reklamo laban kay Sia noong siya ay nanunungkulan pa lamang bilang chairman ng barangay ilang taon na ang nakalilipas dahil sa umano’y pagnanakaw ng kuryente.
Ngunit ayon kay Sia, 2014 pa at barangay hall ang isyu at hindi naman sa kanya ang gamit pero bilang siya ang barangay chairman ay inako niya ang isyu.
Nakakapagtaka lamang aniya dahil naka ilang termino na siya sa pagkakonsehal ay hindi naman na ito naging isyu.
Naniniwala si Sia na politika ang nasa likod nito kaya kinalkal ang natapos nang isyu para lamang sirain ang kanyang pagkatao dahil siya lamang umano ang incumbent na hindi sumama sa tiket ng kalaban. Jocelyn Tabangcura-Domenden