Home NATIONWIDE Comelec, DICT at NTC sanib-pwersa vs text blasts ng ilang kandidato

Comelec, DICT at NTC sanib-pwersa vs text blasts ng ilang kandidato

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na naiuat na nila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ang ilang kandidatong gumagamit umano ng text blasting para sa mga political campaign.

Ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Garcia na ang ganitong mga text blast na ginagamit para sa pangangampanya ay hindi labag sa election law ngunit labag sa telecommunications law bukod sa iba pa.

Nagbabala rin si Garcia sa mga posibleng mapanganib na epekto ng paggamit ng mga text blasting machines sa ibang layunin maliban sa mga emergency.

Ayon kay Garcia, ang mga emergency devices ay ginagamit kapag may natural calamaities o sakuna kaya ang ginagawang text blast ay nakakaapekto sa mga coordinating agency na ang layunin ay mapigilan ang epekto sa tao ng kalamidad.

“So, sana maunawaan nila na sila po ay nakaka-create ng danger sa buhay ng ating mga mamamayan,” sabi ni Garcia.

Nauna nang nagbabala si DICT Secretary Ivan John Uy na sasampahan ng kaso ang mga kandidato na gagamit ng text blasting machines para sa kanilang kampanya at idiniin na ang mga naturang kagamitan ay ilegal, walang lisensya at saklaw ng mga regulasyon ng NTC. Jocelyn Tabangcura-Domenden