Home NATIONWIDE Comelec gagamit ng ‘sent-to-all’ transmission system sa 2025 polls

Comelec gagamit ng ‘sent-to-all’ transmission system sa 2025 polls

MANILA, Philippines – Ilulunsad ng Commission on Electiosn (Comelec) ang bagong transmission system para sa 2025 national at local election na magagamit ang “sent-to-all” feature, kasabay ng pagreretiro ng transparency server.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang paparating na halalan, ang election results mula sa precinct level ay sabay-sabay na ipapadala sa media, election watchdogs, majority at minority political parties, city at municipal board of canvassers.

Sinabi ni Garcia na ang poll watchdogs tulad ng National Citizens Movement for Free Elections at Parish Pastoral Council for Responsible Voting ay maaaring kaagad na magsagawa ng quick count gamit ang QR codes mula sa mga resibo ng halalan.

Pinahihintulutan ng bagong election transmission system ang Department of Information and Communication technology na magkaroon ng kopya ng resulta sa Comelec data center.

Umaasa ang komisyon na ang bagong sistema ay mas transparent kaysa sa nauna na humarap sa alegasyon ng tinawag na middle-man na hindi napatunayan sa kalaunan, ayon kay Garcia.

Nakatakdang igawad ng poll body ang P1.4 bilyong transmission contract para sa botohan sa susunod na taon sa joint venture ng mga kompanyang Pilipino na iOne Resources, Inc. at Ardent Networks Inc.

Samantala, sinabi ni Garcia na naabot ng Comelec ang 2 milyong bagong rehistradong botante bago ang deadline sa Setyembre 30.

Inaasahan din ng komisyon na malalampasan nito ang target na 3 milyon bagong registrants para sa nalalapit na 2025 elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden