Home NATIONWIDE Comelec kakapusin sa oras ‘pag nauna Cha-cha plebiscite sa 2025 polls

Comelec kakapusin sa oras ‘pag nauna Cha-cha plebiscite sa 2025 polls

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na masyadong maiksi ang oras kung ang plebisito para pagtibayin ang mga panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution ay gaganapin nang mas maaga kaysa sa May 2025 midterm elections.

Paliwanag ni Comelec chairman George Garcia, kailangan pang maghanda at magsagawa ng malawakang pagbili ng mga materyales na gagamitin para sa plebisito, kaya hindi posible na isagawa ang referendum para sa economic Charter change bago matapos ang taon.

Ayon kay Garcia, kulang na kulang na ang Comelec ng panahon para sa paghahanda sa dalawang eleksyon sa 2025.

“And so ‘yung pagko-conduct ng halalan bago matapos ang taon, medyo sa ating palagay ay gipit na rin po ang inyong Commission on Elections,” sabi ni Garcia.

Ginawa ni Garcia ang pahayag, matapos sabihin ng ilang miyembro ng House of Representatives nitong Lunes na ang Cha-cha plebiscite ay dapat isagawa bago ang 2025 midterm elections, na iginigiit na ang Konstitusyon ay mas mahalagang harapin at samakatuwid ay dapat na hiwalay sa mga halalan.

Hirit din ng Kamara sa Senado na madaliin ang pagpasa sa Resolution of Both Houses (RBH) 6 na nag-aalis ng limitasyon ng pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga pampublikong utilidad at iba pang mahahalagang industriya.

Gayunman, tiniyak ng Comelec chairman na susundin nila ang desisyon ng Kongreso sakaling magdesisyon itong magsagawa ng plebisito nang hiwalay sa midterm polls.

Nauna nang sinabi ng Comele  na handa itong magsagawa ng Cha-cha plebiscite kasabay ng 2025 polls dahil mababawasan ang gastos nito.

Sinabi ni Garcia na ang isang hiwalay na plebisito ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang P13 bilyon sa pagdaraos.

Sinabi rin ni Garcia na kailangan nilang suspendihin ang kasalukuyang voter registration kung magpapatuloy ang pambansang plebisito bago ang midterm elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBasic education ‘di magagalaw sa Cha-cha – Angara
Next articlePag-atake ng Tsina sa PH vessels kinondena ng US