MANILA, Philippines- Nangako ang Commission on Elections (Comelec) na reresolbahin ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga nuisance candidate para sa 2025 midterm elections sa pagtatapos ng Nobyembre ngayong taon.
Inihayag ni Comelec chairman George Garcia na target ng poll body na matapos ito sa Nobyembre 30, bago magsimula ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota para sa May 2025 national at local elections sa Disyembre.
Ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2025 election ay itinakda mula Oktubre 1 hanggang 8, 2024.
Kasado namang i-upload sa kanilang Comelec website ang mga COC kabilang ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONAs) ng mga kandidato sa Oktubre 18.
Nasa kabuuang 18,280 pwesto na sumasaklaw sa 14 posisyon sa 254 legislative districts ang paglalabanan sa darating na halalan.
Nauna na ring ipinagbawal ng Comelec ang pagpapalit ng mga kandidato matapos ang huling araw ng COC filing kung magkakaroon ng substitution dahil sa pag-atras ng isang kandidato.
Sinabi rin ni Garcia na hindi maituturing na premature campaigning ang pagsasagawa ng maagang aktibidad o magpo-post ng mga materyales sa panahon ng paghahain ng COC dahil hindi pa sila itinuturing bilang mga opisyal na kandidato sa panahong iyon.
Ang campaign period para sa mga tumatakbo sa pagka-senador at party-list group ay magsisimula sa Pebrero 11, 2025 hanggang Mayo 10, 2025.
Samantala, ang campaign period para sa mga kandidato para sa House of Representatives, gayundin sa parliamentary, provincial, city, at municipal offices ay mula Marso 28, 2025 hanggang Mayo 10, 2025.
Ayon kay Garcia, tatanggapin ng Comelec ang lahat ng COCs na maisusumite sa kanila sa loob ng nasabing filing period.
Sinabi rin ni Garcia na maging si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay maaari nilang tanggapin ang COC kung magpapasya itong muling tumakbo.
“Kahit pa siya ‘yung nakakulong ngayon na taga-Bamban, tatanggapin namin ang kanyang certificate of candidacy. Kung malalagay ang pangalan sa balota o papayagang makatakbo, ibang usapan ‘yun,” sabi ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden