MANILA, Philippines- Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pagpasok ng poultry imports mula sa France dahil sa bird flu outbreak sa European country.
Agad na paiiralin, nilalayon ng Memorandum Order No. 40 na may petsang September 27, 2024, na protektahan ang local poultry population at Filipino consumers mula sa epekto ng highly pathogenic avian influenza (HPAI).
Kasado ang moratorium sa domestic at wild birds at mga produkto ng mga ito, kabilang ang poultry meat, day-old chicks, at mga itlog at semilya ng poultry mula sa France.
Haharangin at kukumpiskahin ng DA ang lahat ng poultry shipments, maliban sa heat-treated products, sa lahat ng major ports of entry.
Hindi saklaw ng ban ang shipments galing France na in transit na, naikarga o tinanggap sa mga pantalan bago ang official communication ng kautusan, sa kondisyong ang poultry products ay kinatay o prinodyus bago o sa mismong araw ng Hulyo 25. RNT/SA