Inihain ang reklamong kriminal sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa Commission on Elections (Comelec) dahil sa umano’y pakikialam sa midterm elections noong Mayo 12.
Iginiit ng isang grupo ng complainants na ang Comelec ay nakagawa ng 55,874,700 bilang ng paglabag sa system interference sa ilalim ng paragraph 4, Section 4(a) ng Republic Act (RA) No. 10175, ang Anti-Cybercrime Law.
Hindi umano awtorisado ng batas ang Comelec na manipulahin o panghimasukan ang AES (Automated Election System) sa pamamagitan ng pag-install ng intermediary server o system sa Data Center 3.
Ipinaliwanag pa ng grupo na nakagawa ng panghihimasok ang Comelec sa pamamagitan ng pagpapalit ng certified at audited software program version 3.40 sa isang uncertified at unaudited program version 3.50 na na-install at ginamit ng 110,000 automated counting machines (ACMs) sa buong bansa.
Pinangunahan ni Atty. Alexander L. Lacson ang reklamo, na isa sa mga convenor ng grupong Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan at Council of Church Leaders for National Transformation.
Ang iba pang complainants ay mga lider ng simbahan at obispo, pulitiko, retiradong opisyal ng pulis at militar, gayundin ang ilang matataas na personalidad.
Kabilang naman sa mga respondent si Comelec Chairman George Garcia at iba pang mga komisyoner at opisyal ng Comelec Information Technology.
Binigyang-diin ni Lacson na hindi hinahangad ng kanyang grupo na ipawalang-bisa ang resulta ng halalan noong Mayo 12.
Gusto lamang aniya nilang malaman kung may dayaan, manipulasyon, o pagbabago sa resulta ng halalan.
Hihilingin rin aniya ng kanilang grupo sa Senado na imbestigahan ito upang kanilang ganap na maiprisinta ang kanilang mga allegation sa reklamo. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)