Home NATIONWIDE Comelec kinondena ng Kalinaw: Pagsasabi ng totoo ‘di red-tagging

Comelec kinondena ng Kalinaw: Pagsasabi ng totoo ‘di red-tagging

MANILA, Philippines – Kinondena ng grupong Kalinaw Southeastern Mindanao ang inilabas ng Commission on Elections na resolusyon, partikular ang COMELEC Resolution No. 11116, na nanggigipit sa kalayaan sa pamamahayag at pagiging patas sa democratic process.

Kamakailan ay naglabas kasi ng resolusyon ang COMELEC para pigilan ang umano’y unfair ‘labeling’ kabilang ang red-tagging.

Ayon sa Kalinaw, isang organisasyon na kinabibilangan ng mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP), ang resolusyong ito ng Comelec ay pumuprotekta lamang sa communist-linked groups kasabay ng pagpapatahimik sa mga nais na ilantad ang mga maling gawain ng grupo.

“Freedom of speech is a cornerstone of democracy. [The COMELEC] resolution dangerously undermines this by restricting discussions about individuals and organizations with ties to groups that have historically waged war against the government,” saad sa letter of complaint ng Kalinaw.

Dagdag pa, hindi umano red-tagging ang pagsasabi ng katotohanan at paglalantad sa gawain ng mga rebeldeng grupo.

Kasabay nito, nais ng Kalinaw na linawin ng Comelec kung ano ang malinaw na kahulugan ng mga salitang “labeling,” “branding,” at “associating.” Nais din na malaman kung sino ang magdedesisyon kung sino ang lumalabag sa naturang resolusyon, na maaari umanong magamit sa pang-aabuso lalo na sa mga dating rebelde at mga biktima ng communist deception.

Sa halip na pagpapatahimik sa mga nagsasabi ng katotohanan, anang Kalinaw, dapat ay tutukan na lamang ng Comelec ang mga kasalukuyang batas katulad ng Cybercrime Prevention Act (RA 10175), Revised Penal Code (Articles 353-355), at Anti-Terrorism Act.

Dahil dito, hinimok ng Kalinaw ang Comelec na irekonsidera ang Resolution No. 11116 at manindigan sa tunay na prinsipyo ng demokrasya. RNT/JGC