Home NATIONWIDE Comelec, kinondena pagpatay sa ABP Party-list nominee

Comelec, kinondena pagpatay sa ABP Party-list nominee

SAMPALOC, MANILA — Kinondena ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpatay kay Leninsky Bacud, ang nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list, noong Lunes sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, “We condemn to the strongest possible terms these killings as it is the ballots that should reign in a democracy, not bullets.” Binanggit din niya na igalang ang buhay ng bawat isa at walang sinuman ang dapat mawalan ng buhay dahil lamang sa eleksyon.

Dagdag pa ni Garcia, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa isang internal dispute sa ABP party-list, kung saan mayroong dalawang set ng mga nominado na inihain para sa May 12 midterm elections.

“Isa itong katotohanan na kinakaharap ng nasabing party-list, isang intra-party dispute,” ani Garcia.

Samantala, inatasan ni Manila Mayor Honey Lacuna si Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Benigno Guzman na pakilusin ang lahat ng magagamit na resources at pamunuan ang isang masinsinan at walang kinikilingan na imbestigasyon sa pagpatay kay Bacud. Inutos din niya ang pagtutok sa kaligtasan ng pamilya ng biktima at pagtiyak sa proteksyon ng anumang posibleng saksi sa krimen. Jocelyn Tabangcura-Domenden