Home METRO Comelec lilimitahan sa 600 botante bawat presinto sa Bangsamoro polls

Comelec lilimitahan sa 600 botante bawat presinto sa Bangsamoro polls

2
0

MANILA, Philippines – Lilimitahan ng Commission on Elections sa 600 botante ang bawat presinto sa unang Bangsamoro parliamentary elections upang maiwasan ang mahahabang pila at mapabilis ang pagboto.

Sa press briefing matapos ang kick-off ceremony para sa pag-iimprenta ng mga opisyal na balota na gagamitin sa halalan sa Bangsamoro, sinabi ni Comelec Chair George Erwin Garcia na umabot sa 800 hanggang 1,000 botante ang bawat presinto sa mga nakaraang halalan sa rehiyon dahil sa limitadong badyet.

Ayon kay Garcia, siniguro ng Comelec na 600 botante lamang ang ilalagay sa bawat presinto upang maging mas mabilis at mas maginhawa ang proseso ng pagboto.

Dahil sa kaayusang ito, sinabi ni Garcia na posibleng matuklasan ng ilang botante na nailipat sila sa ibang presinto sa loob pa rin ng parehong paaralan.

Hinimok din ni Garcia ang mga partidong pampulitika at mga kandidato sa rehiyon na tumulong sa pagpapabatid sa kanilang mga nasasakupan hinggil sa mga pagbabagong ito.

Samantala, sinabi ng poll chief na 2.39 milyong balota ang iimprenta para sa halalan, na nagkakahalaga ng kabuuang P63 milyon.

Aniya, inaasahang tatagal ng hindi bababa sa isang linggo ang pag-iimprenta ng mga balota. Binigyang-diin din ni Garcia na walang sobrang balota ang iimprenta, at bawat botante ay magkakaroon lamang ng isang balota upang maiwasan ang posibleng dayaan sa halalan.

Hindi tulad noong mga nagdaang eleksyon na may sobrang balota, sinabi ni Garcia na eksaktong bilang lamang ng balota ang ipapadala ng Comelec sa bawat presinto, batay sa bilang ng mga rehistradong botante.

Giit ni Garcia, ayaw ng Comelec na makompromiso ang proseso o magkaroon ng pagdududa kung saan napupunta ang mga balota. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here