MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng Sandiganbayan nitong Biyernes ang PNP-Health Service General Hospital kung bakit pinayagang dalawin nina Vice President Sara Duterte at Sen. Robin Padilla si Sen. Rodante Marcoleta sa kabila ng rekomendasyong manatili siya sa isolation dahil sa mild pneumonia.
Pinuna ni Sandiganbayan Associate Justice Ronald Moreno ang mga opisyal ng ospital matapos nilang iulat na hindi pa rin maaaring bumiyahe si Marcoleta habang patuloy na minomonitor ng mga doktor ang pabago-bagong blood pressure nito.
“Why are you allowing him to be visited? Who allowed him to be visited when according to your recommendation he should be in isolation?” tanong ni Moreno.
“Di ko po masagot,” sagot ni Lt. Col. Benaly Bayani, hepe ng Internal Medicine Department ng ospital, sa korte.
Sinabi ni Bayani na makikipag-ugnayan siya sa Criminal Investigation and Detection Group upang higpitan ang pagbisita kay Marcoleta.
Matapos ang pagdinig, humingi ng paumanhin si PNP Health Service General Hospital director Brig. Gen. Portia Manalad sa mga naging pagkukulang sa pagpapatupad ng face mask protocol ng ospital kasunod ng pagbisita nina Padilla at Duterte.
“We apologize that there are some lapses na nakita and we will comply with the Sandiganbayan,” ani Manalad.
Binisita ni Duterte si Marcoleta sa PNP General Hospital noong Martes ng umaga, isang araw matapos arestuhin ang senador kaugnay ng kasong plunder. Binisita naman siya ni Padilla sa parehong ospital noong Huwebes.
Nahaharap si Marcoleta sa kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations mula sa kanyang mga kapwa akusado na sina dating mambabatas Mike Defensor at mga negosyanteng Aristotle Viray at Joseph Espiritu.
Hindi pa naglalabas ng commitment order ang Sandiganbayan dahil hindi pa humaharap si Marcoleta sa division matapos ang kanyang booking procedure.
Ayon sa korte, dadalhin si Marcoleta sa Quezon City Jail sa Payatas, kung saan nakakulong ang kanyang mga kapwa akusado. RNT