MANILA, Philippines – Magsasagawa ang Commission on Elections ng sabayang plebisito sa Davao del Norte sa Abril 11, 2026 para sa pagpapalit ng pangalan sa munisipalidad ng San Isidro at Barangay Sawata.
Sa Facebook post, sinabi ng Comelec na ang botohan ay tatakbo mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon upang pagpasyahan kung pagtitibayin ang pagpapalit ng pangalan sa munisipyo ng San Isidro sa Sawata.
Magdaraos din ng hiwalay na plebisito para sa panukalang pagpapalit ng pangalan ng Barangay Sawata sa Barangay Poblacion.
Sinabi ng Comelec na ang mga plebisito ay naaayon sa Republic Act No. 11814, na naglalayong palitan ang pangalan ng munisipalidad ng San Isidro bilang Sawata at Barangay Sawata bilang Barangay Poblacion sa lalawigan ng Davao del Norte. Ang panukalang batas ay naging batas noong Hunyo 2022.
Samantala ang mga aktibidad sa pagpaparehistro ng mga botante ay sususpindihin sa bayan ng San Isidro mula Abril 10 hanggang Abril 11 upang bigyang-daan ang mga plebisito.
Dagdag pa ng Comelec, walang voter registration sa San Isidro, Davao del Norte sa Abril 10-11,2026 .Jocelyn Tabangcura-Domenden