MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa unang Bangsamoro elections ay ire-reset sakaling ilipat ang botohan sa 2026, maliban kung iba ang nakasaad sa batas.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na magkakaroon ng panibagong filing ng COC kung talagang magkaroon ng batas sa bandang huli.
Nauna nang naghain ng panukala si Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na humihiling na ipagpaliban ang Bangsamoro elections mula Mayo 2025 sa Mayo 2026.
Ayon kay Garcia, tinanggap na nila ang mga COC na inihain sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang pinakahuling datos ng Comelec ay nagpakita na may kabuuang 111 aspirants ang naghain ng kanilang COCs.
Samantala, tinanong din si Garcia tungkol sa pagpapaalam ni Escudero kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa ilang “unconstitutional” na probisyon sa Bangsamoro Electoral Code at sa mga implementing rules and regulations nito.
Ayon kay Escudero, nakasaad sa BARMM Electoral Code at IRR na ang lahat ng itinalagang opisyal na naghain ng kanilang mga COC ay hindi maituturing na nagbitiw. Sinabi ni Escudero na ito ay isang paglabag sa Konstitusyon.
Ngunit sinabi ni Garcia na hindi makapagbigay ng posisyon ang Comelec sa usapin dahil mayroon na silang kaso sa Korte Suprema na may kinalaman sa katulad na isyu.
Tinutukoy ni Garcia ang temporary restraining order na inilabas ng Korte Suprema noong Oktubre laban sa panuntunan ng Comelec na nagpapahintulot sa mga public appointive officials na magpatuloy sa paglilingkod matapos na ma-nominate bilang party-list representative.
Inatasan ng SC ang mga partido na sundin ang status quo na ang mga itinalagang opisyal ng publiko ay itinuring na nagbitiw sa paghahain ng COC. Jocelyn Tabangcura-Domenden