MANILA, Philippines – Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko laban sa mga pekeng e-mail na nagpapanggap na galing sa ahensya upang makakuha ng personal o sensitibong impormasyon.
Partikular na binanggit ng Comelec ang e-mail address na [email protected] at isang indibidwal na nagpapakilalang empleyado ng Comelec.
“The public is strongly advised to exercise caution and vigilance regarding emails that appear to originate from the Commission on Elections and request(ing for) personal or sensitive information,” ayon sa Comelec.
Nilinaw din ng ahensya na wala itong Stakeholder Relations Division at walang empleyado o direktor na nagngangalang Atty. Maria Carmela B. Gonzales. Ang opisyal na e-mail ng Comelec ay gumagamit lamang ng @comelec.gov.ph domain.
Pinayuhan din ang publiko na huwag agad mag-click ng mga link sa kahina-hinalang e-mail dahil maaaring phishing scam ito na naglalayong magnakaw ng impormasyon.
Para sa opisyal na komunikasyon, gamitin lamang ang e-mail na nakalista sa “Contact Us” section ng website ng Comelec o bumisita sa kanilang mga opisina. RNT/MDS