TOKYO, Japan – Hinikayat ng pamahalaan ng Japan ang mga Pilipino na pag-aralan ang wikang Japanese o Nihongo upang mas mapalawak ang kanilang oportunidad sa trabaho sa bansa.
“Proficiency in the Japanese language will serve as a great asset for Filipinos seeking various career paths in Japan,” ayon kay Japanese Minister for Economic Affairs Yokota Naobumi.
Ginawa niya ang pahayag matapos makumpleto ng ika-18 batch ng mga Pilipinong nurse at certified care worker ang Preparatory Japanese Language Training (PJLT) sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Binubuo ang batch ng 211 kandidato—17 nurse at 194 care worker—na nakabiyahe na patungong Japan.
Pagdating sa Japan, sasailalim pa sila sa anim na buwang masinsinang pagsasanay sa wikang Japanese bago magtrabaho sa mga ospital at caregiving facilities.
Ayon sa pamahalaan ng Japan, makatutulong ang pag-aaral ng Nihongo upang mas dumami ang oportunidad sa trabaho ng mga Pilipino at lalo pang mapatatag ang ugnayan ng Japan at Pilipinas sa larangan ng healthcare. RNT/MDS