MANILA, Philippines- Nakatanggap ang Commission on Elections (Comelec) ng panibagong ulat ng mga indibidwal na umano’y nag-aalok ng “panalo” sa 2025 national at local elections (NLE) kapalit ng pera.
Sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia sa isang panayam sa radyo na hindi bababa sa dalawang kandidato sa national, apat na party-list group, at mga lokal na aspirante ang nag-ulat ng umano’y alok ng Comelec, na nagsasabing ang mga indibidwal na ito ay isa sa kanilang mga tauhan.
“Sure win daw P100 million, congressman; tapos mga governors, P70 to P80 million. Nagpapa-advanced ng mga P10 hanggang P20 million. Alam na alam natin, style ‘yun eh, ‘yang pagpapa-advance,” sabi ni Garcia.
Ini-refer na ng Comelec ang kaso sa NBI para sa imbestigasyon. Sa inisyal na pagsisiyasat ay ipinakita ang ilan sa mga nag-aalok ng modus ay dating nagtatrabaho sa poll body ngunit umalis sa Comelec 12 hanggang 13 taon na ang nakalilipas.
Wala sa mga aspirante ang tumanggap ng alok, ani Garcia.
Noong Mayo, unang nagbabala ang Comelec laban sa nasabing modus, tinawag itong scam.
Batay kay Garcia, marami pa silang nababalitaan at tumatawag na nagsisiikot sa buong bansa na nag-aalok at nanloloko sa mga kandidato o prospective na kandidato.
Samantala, lumagda ang Comelec at National Bureau of Investigation (NBI) ng memorandum of agreement (MOA) upang tugunan ang cybersecurity issues, cybercrimes, gayundin ang posibleng vote-buying activities sa pamamagitan ng digital platforms sa panahon ng halalan sa susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden