MANILA, Philippines – Naglabas ng paalala ang Commission on Elections (Comelec) para sa mga botante bago ang National at Local Elections (NLE) sa Lunes, Mayo 12.
Ipinaalala ni Comelec Chairman George Garcia sa mga lokal ang campaign ban para sa 2025 national at local elections (NLE) na magiging epektibo sa Mayo 11, bisperas ng mismong araw ng halalan.
Inulit ni Garcia na ang liquor ban ay ipapatupad sa buong bansa sa bisperas ng eleksyon.
Pinayuhan na rin ni Garcia ang mga kandidato na may malalaking tarpaulin sa mga highway na tanggalin na ang mga ito dahil sumisimbolo pa rin ito ng pangangampanya.
Samantala, pinaalalahanan din ng Comelec ang publiko tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin sa pagboto sa Mayo 12, 2025.
Ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis ay maaaring bumoto mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi. Ang regular na oras ng pagboto ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Pinayuhan ng Comelec ang mga botante na maghanda ng kodigo at alamin ang kanilang voting precinct sa pamamagitan ng Voter’s Information Sheet o Comelec Online Precinct Finder. I-shade ang balota nang tama at obserbahan ang wastong pag-uugali sa loob ng polling precinct.
Upang hindi masayang ang boto, nagpaalala ang Comelec na huwag mag-overvote. Bawal ding mag-selfie o kumuha ng litrato sa loob ng presinto, at hindi rin maaaring dalhin sa labas ng presinto ang voter’s receipt, marking pen, o ballot secrecy folder.
Kabuuang 18,320 posisyon ang pag-aagawan ng mga kandidato sa darating na national at local elections, base sa pinakahuling datos ng Comelec. Sa bilang na ito, 12 upuan ang para sa senador, 63 ang para sa party-list representatives, at 254 ang para sa mga miyembro ng House of Representatives.
Sa local level, 82 ang bakante para sa governors at vice-governors, 840 para sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, 149 para sa city mayors at vice-mayors, at 1,493 para sa municipal mayors at vice mayors. Mayroon ding 1,690 seats para sa mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod at 11,948 para sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Ngayong 2025 elections, mayroong kabuuang 69,673,655 rehistradong botante, kung saan 68,431,965 ay nasa Pilipinas habang 1,241,690 ay overseas.
Maaaring bumoto ang mga overseas voters mula Abril 13 hanggang Mayo 12, habang ang local absentee voters ay maaaring bumoto mula Abril 28 hanggang 30, 2025. (Jocelyn Tabangcur-Domenden)