MANILA, Philippines – Sa isang political advertisement na inilabas noong Biyernes, sinabi ni Senador Imee Marcos na nawalan na ng kontrol si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gobyerno, at ito na umano ay pinamumunuan nina Martin Romualdez at Liza Araneta-Marcos.
Inakusahan ni Imee ang kasalukuyang gobyerno, na sinabing hindi na ito pinamumunuan ng Marcos, kundi ng mga Romualdez at Araneta.
“Ang gobyerno ngayon ay hindi Marcos. Ang gobyerno ngayon ay Romualdez at Araneta,” ani Imee.
“Hindi mo kakainin ang isinuka mo para lamang sa poltiika. Hindi ganiyan ang legasiya ng aking ama,” dagdag pa ni Imee na muling tumatakbo sa pagkasenador.
“Imported na ang bigas, imported pa ang hustisya, kaya malinaw ang gobyerno ngayon ay hindi Marcos. Ang gobyerno ngayon ay Romualdez at Araneta,” aniya pa.
Binanggit niya na ang isang tunay na Marcos ay hindi makikipagsabwatan sa mga politiko na nanakit sa kanilang pamilya matapos ang People Power Revolution noong 1986.
Ipinunto ni Imee ang mga kasalukuyang problema ng bansa, tulad ng imported na bigas at hustisya, na nagpapakita na hindi na nga Marcos ang namumuno.
Naisip din niya na ang mababang approval ratings ng kanyang kapatid ay nakakaapekto sa kanyang reelection campaign. RNT