Home NATIONWIDE Comelec nagpaalala sa ballot shading

Comelec nagpaalala sa ballot shading

MANILA, Philippines- Dapat maging maingat ang mga botante sa pag-shade sa kanilang balota para sa 2025 elections upang maiwasan ang pagkalat ng tinta, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Huwebes.

“Inemphasize po natin sa lahat ng provincial election supervisors at sa lahat ng magtuturo na sana mapayuhan na yung ating mga teachers, electoral board members, botante na ‘wag masyado kaagad diinan, kakalat din agad yung mismong nashade,” pahayag ni Garcia sa isang panayam sa Manila Hotel.

Ibinahagi ni Garcia ang insidente sa Sulu at Makati City sa mock elections noong Sabado kung saan kumalat ang ink sa mga balota.

Ayon sa Comelec chief, hindi tinanggap ng makina ang balota na sa Makati City dahil sa apektadong timing marks sa gilid ng papel.

“Syempre kahit na anong pen, may ilang seconds yan, one to three seconds na kailangan para matuyo pero kapag nadiinan, kakalat at kakalat po talaga. Pero tatanggapin ng makina,” pahayag ni Garcia.

Binanggit ng Comelec chief na ang ballot paper, mayroong 100 grams per square meter, ay kayang i-absorb at patuyuin ang tinta kapag tapos na ang shading.

Samantala, kaya nang basahin ng automated counting machines ang boto kahit na tuldok lamang ng  panulat ang nasa ballot circle, dahil tinatanggap ng Comelec abf shading threshold na 15 percent. RNT/SA