MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng Commission on Elections ang kahalagahan ng ‘discernment’ para sa paghahanda ng mga botante para sa 2028 elections.
Sa Kapihan sa Manila Bay sinabi ni Comelec Commissioner Ernest Maceda na ito ay dahil aniya sa mga balita at impormasyon mula sa lahat ng dako.
Sa Comelec, sinabi ni Maceda na nagtayo sila KKK o ang Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan sa Halalan upang malaman ang mga fake news at AI generated information.
Nagpapatuloy din ang pakikipagtulungan ng Comelec sa ilang social media platforms upang masiguro na maipaliwanag ng maayos at masugpo ang anumang fake news.
“That’s why the Chairman is very proactive in dealing with the Comelec press corps and all other national channels to make sure that the information from us is out there,” ani Maceda.
Dagdag pa ni Maceda na dapat paniwalaan lamang ng mga botante ang mga tama at totoong balita at impormasyon.
Samantala, siniguro ng Comelec na mas malawak ang kanilang voter education para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil na rin sa dami ng naganap na pagbabago.
Inaasahan naman ang pagdagsa ng mga bagong botante para sa BARMM na ayon kay Maceda ay maaring umabot sa 2.4 milyon kumpara sa bilang kung natuloy ang halalan noong nakaraang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden