Ibinababa na ng rice retailers sa Kamuning Market sa Quezon City ang mga bagong hatid na P38 Kadiwa ng Pangulo rice sa kanilang mga stall.Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Agriculture ng pagpapatupad ng Food Security Emergency sa bigas. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Pinasalamatan ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia nitong Biyernes, Mayo 2, ang Department of Agriculture sa desisyon nitong pansamantalang itigil ang bentahan ng P20 kada kilong bigas sa loob ng 10 araw, o kasabay ng ayuda ban.
“Nagpapasalamat tayo sa ating DA na makatapos tayo ng ating suhestyon na sana May 2 to May 12 ay walang ipapatupad na pagbebenta ng P20 na bigas. Napakagandang programa pero sabi natin makakapaghintay naman siguro ang programang yan. Kahit na May 13 hindi na kailangan kumuha pa ng exemption sa Comelec,” ani Garcia.
“Sana ‘yung kahapon, okay na po ‘yun. At least, alam na ng sambayanan na may ine-expect sila na P20 na bigas pagkatapos ng elections na pwede nilang mabili,” dagdag niya.
Inanunsyo ng DA nitong Huwebes na pansamantala nitong ihihinto ang bentahan ng P20 kada kilong bigas hanggang Mayo 12 bilang tugon sa direktiba ng Comelec.
“Talagang nakatutok ang Pangulo sa proyektong ito, sinusuportahan niya ito tuloy-tuloy… To be on the safe side, [wala munang bentahan]. Siyempre, ayaw din naman naming makasuhan,” ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Bago nito, inanunsyo ng Comelec na ipagbabawal ang distribusyon ng ayuda mula Mayo 2 hanggang Mayo 12, o sampung araw bago ang halalan.
Ang ayuda ay tumutukoy sa anumang uri ng cash assistance na ibinibigay ng pamahalaan.
Sakop nito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), TUPAD, 4Ps, at kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa kabila nito, exempted naman sa ban ang medical at burial assistance. RNT/JGC