Home NATIONWIDE Malakanyang sa hamon ng kampo ni FPRRD sa ICC jurisdiction: Let them...

Malakanyang sa hamon ng kampo ni FPRRD sa ICC jurisdiction: Let them be

MANILA, Philippines – ”Let them be.”

Ito ang naging tugon ng Malakanyang nang hingan ng komento ukol sa naging hamon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa pamamagitan ng opisyal na dokumentong isinumite noong Mayo 1, 2025.

”Kung ang depensa nila ay walang jurisdiction ang ICC then that’s part of due process. Let them be at kung ano man po ang magiging tugon dito ng ICC eh nasa kamay na po ‘yan ng ICC,” ang sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Ayon kasi sa mga abogado ng dating Pangulong Duterte na sina Nicholas Kaufman at Dr. Dov Jacobs, walang bisa ang imbestigasyon ng ICC dahil umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noon pang Marso 2019.

“Pursuant to Article 19(2)(a) of the Rome Statute,1 the Defence for Mr. Rodrigo Roa Duterte hereby respectfully submits a challenge to the exercise of jurisdiction by the International Criminal Court,” saad sa dokumento.

Iginiit nilang walang bisa ang pag-apruba ng ICC sa imbestigasyon noong 2021 dahil lumampas na ito sa panahong saklaw ng hurisdiksyon.

Si Duterte ay nakakulong ngayon sa The Hague matapos maaresto noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga extrajudicial killing sa giyera kontra droga.

Nakatakda ang confirmation of charges sa Setyembre 23, 2025. Humihiling ang kanyang kampo sa ICC ng agarang paglaya, dahil “walang legal na batayan ang lahat ng hakbang sa kaso.” Kris Jose