MANILA, Philippines- Mahigit 9 milyong balota para sa 2025 midterm elections ang naimprenta na, isang linggo matapos magpatuloy ang pag-imprenta sa National Printing Office, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo.
Ayon sa ulat, ipinakita ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na 9,460,780 balota ang naimprenta sa National Printing Office hanggang alas-7 ng gabi.
Kailangan pang mag-prodyus ng Comelec ng 62,646,420 balota upang makumpleto ang 72.1 milyong balota para sa 2025 poll.
Nilalayon ng poll body na makapag-imprenta ng 1.5 milyong balota kada araw upang mahabol ang pinaiksing oras para sa produksyon ng mga opisyal na balota.
Ipinagpaliban nito ang pag-imprenta sa mga balota kasunod ng pag-isyu ng Supreme Court ng temporary restraining orders laban sa diskwalipikasyon ng ilang aspirants.
Sinabi ni Garcia na target pa rin ng Comelec na matapos ang pag-imprenta sa mga balota pagsapit ng April 14. Kasado ang midterm elections sa May 12. RNT/SA