Home NATIONWIDE Comelec nais ng regulasyon sa social media ng poll candidates

Comelec nais ng regulasyon sa social media ng poll candidates

MANILA, Philippines – Hinimok ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Lunes, Mayo 20 ang Kongreso na lumikha ng batas na magbibigay-daan sa poll body na magkaroon ng regulasyon sa social media posts ng mga kandidato sa panahon ng campaign period.

“Ang problema diyan ay yung fake news, misinformation, disinformation,” sinabi ni Garcia.

“Problema natin ngayon ‘pag nakita ng ating mga kababayan sa social media, balita na sa kanila.”

Ani Garcia, ang magagawa lamang ng Comelec sa ngayon ay makipag-ugnayan sa social media administrators para ipaalis ang isang post, na inaabot pa ng ilang buwan.

“At most, ang na mo-monitor namin ay yung gastos,” sinabi pa niya.

“Once na tumakbo ka, it’s a priviledge, not a right and therefore, tumakbo ka kaya dapat limitado ka,” dagdag ni Garcia.

Ayon sa Comelec Resolution 10730 o “Fair Election Act,” ang election campaigns sa mga telebisyon at radyo ay limitado lamang sa 120 minuto hanggang 180 minuto para sa mga kandidatong tumatakbo sa national position.

Samantala, ang mga poster naman ay limitado lamang hanggang 2ft by 3ft.

Nakatakdang magsagawa ng midterm election ang bansa sa Mayo 2025. RNT/JGC