MANILA, Philippines- Mahigit 600,000 deactivated voters ang nag-apply para sa reactivation para sa 2025 national at local elections (NLE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules.
Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na mula sa 6.4 milyong aplikasyong natanggap ng komisyon, ang 3.3 milyon nito ang nadagdag na mga bagong botante kung saan 2.6 milyon ang bagong botante at mahigit na 600,000 ang nagpapa-reactivate.
Ayon kay Laudiangco, inaasahan na sa dalawang linggong nalalabi para sa rehistrasyon ay mas dadami pa ang mag-aapply bilang bagong rehistradong botante at lalong-lalo na ang mga na-deactivate.
Ang deadline para sa online na aplikasyon para sa muling pagsasaaktibo ay pinalawig mula Setyembre 7 hanggang Setyembre 25, 2024.
Ang proseso sa pag-reactivate ay pareho ng iba’t ibang klase ng aplikasyon. Ang kanilang aplikasyon ay ipapaskil sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, o bayan, base kay Laudiangco.
Ang pinakahuling datos mula sa poll body ay nagpakita na ang bilang ng mga na-deactivate na botante para sa 2025 May elections ay nasa 5,376,630 noong Setyembre 11.
Ang mga dahilan para sa pag-delist ay ang hindi pagboto sa dalawang magkasunod na naunang regular na halalan, sa pamamagitan ng utos ng hukuman, pagkawala ng pagkamamamayang Pilipino, at pagkakaroon ng mga hindi wastong dokumento.
Samantala, inulit ni Laudiangco ang panawagan ng poll body para sa deactivated voters na mag-apply para sa reactivation. Maaari silang mag-apply online hangga’t mayroon silang kumpletong biometrics sa lokal na tanggapan ng Comelec kung saan sila nagparehistro. Jocelyn Tabangcura-Domenden