MANILA, Philippines – Nanawagan sa mga Filipino ang mga miyembro ng Comelec Employees Union (EU) na bumoto ng matalino sa gitna ng lumalalang galit ng publiko laban sa katiwalaan.
Ang Comelec-EU na kumakatawan sa mahigit 5,000 rank-and-file na empleyado ng poll body ay nagpakita ng tarpaulin streamer sa tanggapan ng Comelec na hinihimok ang mga botante na maging matalino sa pagpili ng kandidato sa national at local elections.
Hinimok din ng Comelec-EU ang mga karapat-dapat na Filipino na magparehistro para bumoto, na sinasabing “bawat rehistradong botante ay nagpapalakas ng ating demokrasya.”
Kasalukuyang naghahanda ang Comelec para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) at sa kauna-unahang Bangsamoro elections.
Noong Oktubre 20, ipinagpatuloy ng poll body ang pagpaparehistro ng botante para sa 2026 BSKE at tatakbo hanggang Mayo 18, 2026.
Gayunman, hindi kasama sa panahon ng pagpaparehistro ng mga botante ang mga lugar sa Bangsamoro dahil sa pagsuspinde ng mga parliamentaryong botohan.
Sinabi ng Comelec na mahigit 700,000 aplikante ang nakapagparehistro na, na halos kalahati sa target na 1.4 milyong bagong botante hanggang noong Nobyembre 30. Jocelyn Tabangcura-Domenden