Home NATIONWIDE Comelec: P2.5B pondo kakailanganin sa pag-reset sa BARMM elections

Comelec: P2.5B pondo kakailanganin sa pag-reset sa BARMM elections

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na kailangan ng karagdagang pondo na P2.5 bilyon kapag hindi natuloy ang Bangsamoro Parliament elections sa Mayo 12, 2025.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kakailanganin ng hiwalay na gamit, guro at balota kapag na-reset at na-postpone ang BARMM elections dahil ito ay magiging hiwalay na halalan at magiging special election.

Ang Bangsamoro parliament elections ay orihinal na itinakda at kasabay ng 2025 local and national elections.

Gayunman, sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang pagpapaliban sa nasabing mga botohan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang bersyon ng Senado ng panukalang batas ay inilipat ang halalan sa BARMM sa Oktubre 13, 2025, habang ang bersyon ng Kamara ay sa Mayo 2026.

Ayon kay Garcia, ipinatigil na niya ang pag-imprenta ng mga balota sa Bangsamoro elections matapos ang hakbang ng Pangulo.

Idinagdag ni Garcia na ang panukalang isasabatas ay maaring may mga probisyon kung bubuksan o hindi ang paghahain ng kandidatura.

Kung ipagpapaliban ang BARMM election, sinabi ni Garcia na kailangang ipamahagi ng Bangsamoro Parliament ang mga parliamentary seat ng Sulu sa ibang mga lalawigan dahil sa desisyon ng Korte Suprema na ang Sulu ay hindi bahagi ng rehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden