MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pagkaalarma ang Parents Against Vape (PAV) sa patuloy na pagsisikap na babaan ang tax rates sa mga produktong tabako at vape matapos ihain ni 2nd District Ilocos Sur Representative Kristine Singson-Meehan ang House Bill 11279.
Idiniin ng PAV na hindi dapat isakripisyo ang kalusugan ng kabataang Pilipino sa pamamagitan ng pagsuporta sa HB 11279.
Kung maipapasa ang panukalang batas, nagpahayag ng pangamba ang PAV na maaaring magdulot ito ng malalaking problema sa kalusugan sa mga kabataan tulad ng kanser na may kaugnayan sa tabako, sakit sa puso at sakit sa paghinga para sa mga produktong tabako at vape sakaling maging mas abot-kaya.
Nilalayon ng HB 11279 na pansamantalang suspendihin ang 5 porsyentong taunang pagtaas ng buwis sa mga sigarilyo at iba pang produktong tabako hanggang 2026.
Nauna rito, binatikos din ng Sin Tax Coalition ang mga may-akda ng HB 11279 sa panawagan para sa briefing ng Committee on Ways and Means para talakayin ang nasabing panukalang batas.
Tinatawag nila ang HB 11279 bilang “Sin Tax Sabotage Bill,” dahil sa umano’y hindi paggalang sa Ways and Means Chair Representative Joey Salceda noong nakaraang desisyon na kanselahin ang mga pagpupulong para marinig ang nabanggit na panukalang batas.
Ang mga paunang pagtatantya ng Sin Tax Coalition ay nagpapakita na ang HB 11279 ay hahantong sa mga nawalang kita na P27.5 bilyon at 400,000 bagong naninigarilyo hanggang 2030, kumpara sa status quo. Jocelyn Tabangcura-Domenden