NORTH COTABATO- Naharang ng mga awtoridad ang higit sa P2.3 milyong halaga na smuggled na sigarilyo sa isang checkpoint, kahapon sa bayan ng Makilala.
Ayon kay Lt Col. Rolly Oranza, hepe ng Makilala Municipal Police Station, Miyerkules ng hapon (Enero 29, 2025) naharang ang mga smuggled na sigarilyo sa national highway na sakop ng Barangay Poblacion, ng nasabing bayan.
Sinabi ni Oranza, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa delivery ng smuggled na sigarilyo sa North Cotabato mula Digos, Davao Del Sur.
Agad na inilatag ang checkpoint operation sa naturang lugar katuwang ang pwersa ng RID -12 Tracker Team Golf/Foxtrot, 1203rd MC Ang RMFB at Makilala MPS kasama ang Bureau of Customs (BOC).
Dito, naharang nila ang dalawang minivan na minamaneho nina Michael, 37-anyos, may asawa, residente ng Barangay JP Laurel, Panabo City at Adzalan, 42-anyos, residente ng Barangay, Baliwasan Tabuk, Zamboanga City.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang mga kahon na naglalaman ng mga smuggled na sigarilyo matapos waang maipakitang kaukulang dokumento .
Nakuha sa mga van ang 42 kahon na naglalaman ng 188 ream na iba’t ibang klase ng sigarilyo at aabot sa halagang P2,362,800.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang dalawang driver para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Mary Anne Sapico