Home NATIONWIDE Comelec: Pamamaril sa sasakyan ng election officer sa Sulu posibleng ‘poll-related violence’

Comelec: Pamamaril sa sasakyan ng election officer sa Sulu posibleng ‘poll-related violence’

MANILA, Philippines- Posibleng ituring na poll-related violence ang pamamaril sa sasakyan ng isang election officer sa Sulu na nagresulta sa pagkamatay ng isang indibidwal, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) noong Linggo.

Sinabi ni Comelec chairman George Garcia na mismong si Sulu Provincial Election Supervisor Julie Vidzfar ang nagsabi na ang pananambang sa Zamboanga City noong Sabado ng umaga ay maaaring may kinalaman sa darating na 2025 elections.

“Siya ang nagsasabi na mukhang ito’y election-related sapagkat meron silang mga tinanggihan na mga bagay doon sa mga ilang politiko roon. Kung kaya ‘yan ang ating lead, ‘yan ang ating sinusubaybayan lalo na sa imbestigasyon na ginagawa ng PNP,” sinabi ni Garcia.

Hindi umano nasugatan si Vidzfar kasunod ng pananambang, ngunit namatay sa ospital ang kanyang kapatid na kasama niya sa sasakyan matapos tamaan ng bala sa ulo.

Agad namang tumakas ang hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan matapos ang pamamaril.

Ayon kay Garcia, ito na ang ikatlong insidente ng karahasan laban sa Comelec field personnel matapos ang paghahain ng certificate of candidacy noong Oktubre.

Aniya, ang insidente ay maaari ding maging ground para ang isang lugar ay maituturing na area of ​​concern o mailagay sa ilalim ng Comelec control.

Ayon kay Garcia, hindi niya pinapalitan ang ilang provincial election supervisor dahil sila ang nakakaalam sa mga lugar kaya naman maaaring nasa isip ng ilang indibidwal na patayin na lamang sila para lang makuha ang kanilang kagustuhan .

Nanawagan naman si Garcia sa PNP para sa agarang pagdakip sa mga salarain na nasa likod ng nangyaring pananambang. Jocelyn Tabangcura-Domenden