MANILA, Philippines- Halos 40,000 pasahero ang sinusubaybayan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa iba’t ibang daungan sa buong bansa habang libo-libo ang dumagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) noong weekend habang ang mga Pilipino ay nagtutungo sa mga probinsya upang doon ipagdiwang ang Pasko kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi ng PCG na 20,470 outbound passengers at 18,516 inbound passengers ang naitala sa mga pantalan sa buong bansa mula ala-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga.
Ang malaking pagdagsa ng mga pasahero at sasakyan ay naiulat sa Batangas Port, kung saan ang mga manlalakbay ay nagtitiis sa mahabang pila para makahabol ng mga biyahe.
Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog, kasalukuyang nakararanas ng buhos ng manlalakbay at mga sasakyan na nagsisipag-uwian sa kani-kanilang destinasyon ngayong Christmas season.
Nakaantabay naman ang mga tauhan ng Coast guard upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng manlalakbay at magbigay ng kinakailangang tulong.
Nagtalaga ng 2,871 frontline personnel ang PCG sa 16 PCG districts sa buong bansa. Nitong Linggo lamang, nasa 115 sasakyang pandagat ang nag-inspeksyon at 45 motorbancas upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Samantala nakapagtala naman ng 204,000 pasahero sa PITX noong Sabado at inaasahan pang madaragdagan ang bilang sa mga susunod na mga araw
Dahil dito, ang pamunuan ng PITX ay magdaragdag din ng biyahe ng mga bus lalo na patungo sa Bicol region.
Sinabi ng Department of Transportation na humigit-kumulang pitong milyong manlalakbay ang inaasahang dadagsa sa PITX at iba’t ibang daungan sa bansa – tatlong milyon sa PITX lamang, at apat na milyon sa mga pier at daungan sa dagat hanggang sa unang dalawang linggo ng Enero sa susunod na taon.
Sinabi ni DOTr Executive Assistant to the Secretary Jonathan Gesmundo na pinalawig din ang operating hours ng MRT at LRT upang mas maraming pasahero ang makasakay .
Pinayuhan din ni Gesmundo ang publiko na gumamit ng pampublikong sasakyang sa halip na magdala ng sariling sasakyan upang maiwasan ang “carmageddon” scenario sa mga expressways at road networks. Jocelyn Tabangcura-Domenden