Home NATIONWIDE AFP: Internal security ops gugulong pa rin ngayong holidays

AFP: Internal security ops gugulong pa rin ngayong holidays

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Linggo na pananatilihin nito ang internal security operations ngayong holidays matapos ihayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) at armed wing nitong New People’s Army (NPA), na hindi sila magdedeklara ng  holiday truce ngayong taon.

“Continuous yung operations that we are conducting, yung ating internal security operation, so walang humapay natin yang  ipagpapatuloy as we are sustaining the gains that we have throughout the year,” pahayag ni AFP spokesperson Colonel Francel Padilla sa isang panayam.

Binigyang-diin ni Padilla na kabilang sa mga operasyong ito ang checkpoints at pagpapanatili ng kapayapaan sa buong bansa.

Binanggit din niya ang pagbawas sa presensya ng NPA, kung saan bumaba na umano ang bilang ng active guerrilla fronts mula 89 noong 2018 sa isa na lamang weakened front hanggang nitong 2024.

“We’re really looking at zero active guerrilla fronts. So isang weakened na lang po yan. Within a year, hopefully, madala natin to zero, sa target po natin,” ani Padilla.

Pinabulaanan naman ito ng CPP at tinawag itong “disinformation.”

Samantala, iginiit ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na hindi magkakaroon ng ceasefire sa CPP-NPA, inilarawan ang kasunduang ito bilang “ceasefire against terrorists and criminals.”

Kasado ang ika-56 anibersaryo ng CPP sa December 26.

Tiniyak ni Padilla na nakikipagtulungan ang AFP sa Philippine  National Police (PNP) at sa iba pang enforcement agencies upang tiyakin ang kaligtasan sa public spaces tulad ng mga mall, simbahan, at  transportation terminals ngayong holiday season. RNT/SA