Home TOP STORIES Comelec, PNP kinalampag ng solon vs vote-buying sa ika-6 distrito sa Pangasinan

Comelec, PNP kinalampag ng solon vs vote-buying sa ika-6 distrito sa Pangasinan

202
0

Naghain ng dalawang magkahiwalay na liham si Representative Marlyn Primicias-Agabas ng Ika-6 na Distrito ng Pangasinan kina Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia at Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil upang ipanawagan ang agarang aksyon laban sa umano’y malawakang vote buying na isinasagawa sa mga bayan ng Rosales, Balungao, at Asingan.

Ayon kay Agabas sa kanyang mga liham na may petsang Abril 29, 2025, sangkot umano ang mga lider-politikal na konektado kay G. Gilbert Estrella sa pamimigay ng halagang ₱3,000 kada botante kapalit ng kanilang boto.

“Ito ay isang lantad na kalakaran sa aming distrito,” ayon kay Agabas.

“Ang ganitong lantad at sistematikong vote buying ay tahasang sumisira sa kredibilidad ng halalan at lumalapastangan sa karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang mga pinuno,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Agabas na sa kabila ng pagiging lantaran ng mga aktibidad na ito ay wala pa ring ginagawang aksyon ang pulisya at ang COMELEC.

“Nanawagan ako ng agarang kontra-aksyon upang mapigilan ang patuloy na pagbabaluktot sa tunay na tinig ng taumbayan,” giit ni Agabas.

Aniya, marami sa mga residente ang may alam tungkol sa mga insidente ngunit natatakot magsampa ng kaso dahil sa takot sa posibleng ganti. Nanawagan si Agabas.

“Nanawagan ako sa COMELEC at PNP na seryosohin ang mga ulat na ito, magsagawa ng agarang imbestigasyon, at magsampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga nasa likod nito,” ayon pa kay Agabas.

Hinimok din ni Agabas ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga taong nagmamay-ari o nagpapagamit ng kanilang mga bahay at pasilidad bilang lugar kung saan isinasagawa ang vote buying.

“Ginagamit ang mga pribadong ari-arian para sa mga ilegal na aktibidad, kaya’t dapat din silang managot sa ilalim ng batas,” dagdag ni Agabas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here