Home NATIONWIDE Comelec: Preventive suspension ‘di makahahadlang sa muling pagkandidato ni Guo

Comelec: Preventive suspension ‘di makahahadlang sa muling pagkandidato ni Guo

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring muling mahalal si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa midterm polls sa susunod na taon sa kabila ng nagbabadyang preventive suspension laban sa kanya.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kapag nasuspinde ang isang lokal na opisyal at hindi naman final conviction o judgement sa kaso laban sa kanya ay maaari pa itong kumandidato.

Gayunman, sinabi ni Garcia na ang iba pang kaso na inihain laban kay Go ay hiwalay na usapin.

“Of course, hindi natin pinag uusapan ang ibang kaso na pwede i-file sa kanya. Ayaw natin i-preempt ang maaaring maifile sa kanya na kaso. Ang sa atin, kung sakali, tatanggapin natin ang kanyang Certificate of Candidacy,” sabi ni Garcia.

Nauna nang hiniling ng Department of the Interior and Local Government sa Office of the Ombudsman na ilagay si Guo sa ilalim ng preventive suspension upang pigilan siyang maimpluwensyahan ang imbestigasyon sa kanyang pagkakakilanlan at ang kanyang posibleng pagkakaugnay sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanyang bayan, na naunang sinalakay ng mga alagad ng batas.

Lumikha naman ang Office of the Solicitor General ng isang espesyal na pangkat upang tingnan ang citizenship ni Guo at matukoy kung ang panunungkulan sa niya sa opisina ay labag sa batas.

Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra, kapag ang katotohanang ito ay suportado ng patunay, sila ay magsisimula ng quo warranto proceedings upang patalsikin ang taong kinauukulan.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, sinumang tao, na idineklarang may sakit sa pag-iisip o walang kakayahan, o nahatulan ng final judgment para sa subversion, insurrection, rebellion, o para sa anumang pagkakasala na may parusang higit sa 18 buwan o para sa isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude, ay madidiskwalipika sa pagiging kandidato. Jocelyn Tabangcura-Domenden