MANILA, Philippines- Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa Philippine National Police (PNP), isang araw bago ang May 12 elections na magpatuloy sa pag-aresto sa vote buyers na maaktuhan kahit walang inisyung warrant laban sa kanila.
Tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia nitong Linggo na “poprotektahan” nila ang mga pulis na maaaring humarap sa legal na kahihinatnan para sa pagpapatupad ng warrantless arrest laban sa mga mamimili ng boto.
Sinabi ni Garcia na kahit sa mga mahuhuling nagbebenta ng boto ay maaari ring maaresto at maharap sa anim na taong pagkakabilanggo.
Hinimok din ni Garcia ang publiko na kumuha ng video ng vote-buying at vote-selling.
“Kapag nakasuhan kayo, hindi lang po ‘yun kulong. ‘Yan ay may kasamang perpetual disqualification to hold public office,” binigyang-diin ni Garcia.
Ang poll body noong Pebrero ay naglabas ng isang resolusyon na nagpapahintulot sa pagpapatupad ng batas na arestuhin ang mga mamimili at nagbebenta ng boto nang walang warrant kung sila ay nahuli sa akto.
Noong Huwebes, Mayo 8, nakatanggap ang Comelec Committee on Kontra Bigay ng mahigit 400 ulat ng pagbili ng boto, pagbebenta ng boto, at pag-abuso sa mga mapagkukunan ng estado para sa Eleksyon 2025
Samantala, sinabi ng PNP noong Sabado na naidokumento nito ang limang kaso ng pagbili ng boto sa ilang rehiyon sa buong bansa, sa ngayon. Jocelyn Tabangcura-Domenden