Home NATIONWIDE Comelec umaasang may desisyon na plano sa BSKE sa Setyembre

Comelec umaasang may desisyon na plano sa BSKE sa Setyembre

1
0

MANILA, Philippines – Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na mabibigyang linaw na sa Setyembre kung itutuloy ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa itinakdang petsa, ayon kay Comelec Chairperson George Garcia nitong Martes, Agosto 11.

Sa panayam, sinabi ni Garcia na ang maagang desisyon ay magbibigay-daan sa poll body na i-adjust ang kanilang preparasyon, lalo’t maghahanda na rin ito para sa 2028 National and Local Elections (NLE).

“May dalawang hearing sila na gagawin upang mas makuha ang sentimento ng lahat. Kung tatapusin nila ng Agosto, sana may balita na sa bandang September man lang kahit papaano,” ani Garcia.

“Hindi sa pag-i-impose sa ating Kongreso ng condition. Kami lang nag-e-express, kung hindi talaga matutuloy, sana maliwanag na maliwanag na by September,” dagdag pa niya.

Ang Comelec ay nakatakdang magsimula ng paghahanda para sa 2028 NLE sa susunod na taon.

Ani Garcia, maaaring makapag-accommodate ng postponement sa BSKE ang Comelec hanggang sa Mayo 2027 lamang dahil kailangan na ring lumipat ng focus ang ahensya sa paghahanda sa 2028 national and local elections.

“Hindi naman sa iniimpluwensyahan ang decision ng ating Kongreso, pero mukhang hindi namin kakayanin ang lalampas second quarter ng 2027 kasi crucial sa amin na mag-focus ang Comelec sa 2028 National and Local Elections. The most siguro diyan May 2027, kakayanin pa namin,” sinabi ni Garcia.

Noong nakaraang linggo ay naghain si Senador Francis “Chiz” Escudero ng panukalang nagpapalawig ng termino ng barangay at Sangguniang Kabataan officials ng limang taon pa at ilipat ang eleksyon sa Nobyembre 2028.

Layon ng Senate Bill 2387 na amyendahan ang Republic Act (RA) No. 12232, o “An Act Setting the Term of Office of Barangay Officials and Members of the Sangguniang Kabataan, and for Other Purposes.”

May ilang panukala na rin ang inihain sa Kamara na naglalayong ipagpaliban ang barangay at SK elections.

Gumastos na ang Comelec ng P8 bilyon sa P19 bilyong badyet nito para sa BSKE.

Aniya, ang ilang election supplies kabilang ang
indelible ink, ay hindi magagamit sa oras na ipagpaliban ang BSKE.

Orihinal na itinakda ang BSKE sa Nobyembre 2. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here