Home HOME BANNER STORY Hormuz mananatiling sarado – Iran

Hormuz mananatiling sarado – Iran

1
0

IRAN – Iginiit ng Iran na mananatiling sarado ang Strait of Hormuz hangga’t hindi binabago ng Estados Unidos ang mga polisiya nito at tinatanggap ang mga kondisyon ng Tehran para wakasan ang digmaan.

Ayon kay Mohsen Rezaei, bagong kalihim ng Supreme National Security Council ng Iran, hindi bubuksan ang mahalagang daanan sa pagpapadala ng langis at liquefied natural gas hangga’t hindi natutupad ng US ang mga hinihingi ng Iran.

Kabilang sa mga kondisyon ng Tehran ang pagtatapos ng digmaan, pagbabayad sa Iran ng mga nakapirming assets nito, at pagtatapos ng labanan sa buong rehiyon, kabilang ang Lebanon at Gaza.

Sinabi ni Rezaei na naiparating na sa Washington ang mga kondisyon sa pamamagitan ng mga mediator.

Nilinaw din niya na kahit magkaroon ng kasunduan ang Iran at Oman tungkol sa transit route sa Strait of Hormuz, hiwalay pa rin umano ito sa desisyon ng Tehran na panatilihing sarado ang mismong kipot.

Samantala, nagbabala rin si Mohammad Mokhber, adviser kay Supreme Leader Ayatollah Mojtaba Khamenei, na hindi bubuksan ang Strait of Hormuz hangga’t hindi natutupad ang mga kondisyon ng Iran.

Dahil sa kawalang-katiyakan sa hinaharap ng mahalagang daanan, patuloy na tumaas ang presyo ng oil futures.

Bago ang pinakahuling pahayag ng Iran, sinabi ng Pakistan at Qatar na posibleng malapit nang magkaroon ng kasunduan na maaaring magbigay-daan sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz. Dumadaan dito ang tinatayang ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas bago nagsimula ang digmaan.

Samantala, nagbigay rin si US President Donald Trump ng panibagong kondisyon, kabilang ang paniningil umano ng kompensasyon sa Iran para sa mga nasawi at pinsalang dulot ng mga digmaan, pag-atake at protesta.

Patuloy naman ang tensyon sa rehiyon matapos ang serye ng mga pag-atake sa Iran at pagganti nito laban sa mga target na konektado sa US at mga kaalyado nito.

Nagkaroon din ng mga ulat ng panibagong pag-atake sa mga sasakyang-dagat sa Gulf of Oman, Red Sea at iba pang mahalagang ruta sa maritime trade. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here