MANILA, Philippines – Kailangang amyendahan ang automated election law o magkaroon ng isang bagong batas para mapagbigyan ang panawagan na manual recount ng mga boto sa nakaraang halalan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ipinaliwanag ni Comelec chairman George Garcia na ang layunin ng Republic Act No. 9369 o Automated Election Law ay magkaroon ng “full” automated polls, at hindi ang pagkakaroon ng manual counting.
Sa kabila nito, binibigyang mandato ng batas ang random manual audit para suriin ang mga balota mula sa piling clustered precincts.
“Wala po kasi tayong budget para diyan sa mga pagbibilang na ganyan kung talaga bang ‘yan ay pine-prescribe. Bakit? Simula nu’ng 2010 na nag-automated election tayo, ay wala po tayong mga ganyang klaseng pagbilang,” ani Garcia sa panayam ng DZBB.
“Kung pagbibigyan natin sila, sino po magbibilang? Saan bibilangin? Magkano ang budget? Saan kukuhain ang budget? Anong proseso? Anong procedure ng pagbilang?”
Nauna nang sinabi ng Comelec na ang kailangan ay election protest para ma-trigger ang manual recount ng mga boto.
Ito ay kasunod ng panawagan ng detained self-appointed son of God na si Apollo Quiboloy para sa manual recount.
Dahil naiproklama na ng Comelec ang 12 nanalong senador, sinabi ni Garcia na mawawalan na ng hurisdiksyon ang Comelec dahil ang Senate Electoral Tribunal na ang may kontrol dito.
Dahil dito ay kailangang magpasa ng bagong batas o amyendahan ang Automated Election Law.
“Tama itong pagkakataon na ganito, itong 2025 elections, upang makapaghabi tayo ng mga batas o kaya baguhin na natin ang Automated Election Law sapagkat 2007 pa po ‘yan. Napakatagal na, ang dami nang pagbabago…sa teknolohiya. Maaaring hindi na po ‘yan updated,” sinabi ni Garcia.
“Ako ay nag-a-agree kung kakailanganin ng pagbabago o overhaul ng batas. Bakit nga ba hindi? Pero sa kasalukuyan, tali ang kamay ng Comelec. Hindi kami makakakilos nang hindi binabago ang batas sapagkat tagapagpatupad lang kami ng ating mga umiiral na batas,” dagdag pa niya. RNT/JGC