Home NATIONWIDE Comelec: Walang iregularidad sa pagtatago ng poll devices sa bahay sa Davao

Comelec: Walang iregularidad sa pagtatago ng poll devices sa bahay sa Davao

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Commission on Election (Comelec) nitong Sabado, Abril 5 na ang mga kahon ng solar panel at Wi-Fi transmission equipment na natagpuan sa isang bahay sa Buhangin, Davao City ay bahagi ng mga kagamitan para sa May eletions.

Sa kabila nito, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laundiangco na ang bahay ay isang ‘temporary staging hub’ na gagamitin ng transmission service provider bago tuluyang i-deliver ang kagamitan sa Offices of the Election Officer (OEOs) sa rehiyon.

“Mula sa Police Report ng Davao City Police Office, nabanggit ng Pulisya na ang mga gamit na nabanggit nga ay bahagi ng mga Transmission Devices mula sa Transmission Service Provider ng COMELEC na iOne Resources Joint Venture with Ardent Networks, Inc., (iOne V) at nagmula ito sa COMELEC warehouse at kasama sa Deployment Services din ng Komisyon,” ani Laundiangco, na pinuno rin ng Education and Information Department ng Comelec.

“Kinumpirma din ng Field Operations and Transmission Groups ng Comelec Project Management Office na ito nga ay bahagi ng deployment ng naturang proyekto, at base sa naisumiteng listahan, sampung (10) sets lamang ito ng Starlink Devices, Solar Panels at Batteries,” dagdag pa niya.

Ani Laudiangco, sinabihan na rin sila ng iOne JV na ang lugar kung saan nakita ang mga kagamitan ay isa sa kanilang staging hubs.

“(Dito nila) pansamantalang inilalagak ang sarili nilang kagamitan bago ang final delivery nito sa mga Offices of the Election Officer (OEOs) sa mga karatig na bayan at lungsod pati na sa buong lalawigan,” dagdag pa.

Ang naturang mga kagamitan ay bubuoin at ikakabit sa Voting and Canvassing Centers para sa buong Davao Region sa Abril 15 batay sa iskedyul ng deployment at installation ng Comelec para sa May 12, 2025 national at local elections.

“Hawak ng Comelec ang listahan ng lahat ng mga temporary staging hubs at storage areas ng iOne JV, at ang pagkakalagak sa Barangay Buhangin, Davao City, ay naaayon dito,” sinabi pa ni Laudianco.

Wala namang nakikitang iregularidad ang Comelec sa pagtago ng mga election device na ito sa isang residential area.

“Samakatuwid, ang mga tungkuling ito ay nananatili lamang kay iOne ]V, at obligasyon nila, sa pamamagitan anumang pinaka-efficient na pamamaraan, ang forward deployment ng mga naturang gamit, kasama na desisyon kung ito man ay pansamantalang ilalagak sa isang staging area na malapit sa mga OEOs, at patungo, bago maghalalan, sa mga Voting at Canvassing Centers. Walang nakikitang iregularidad ang COMELEC sa pangyayaring ito,” anang opisyal.

Ang Starlink devices at solar panel naman ay gagamitin lamang para sa pagbabato ng resulta.

“Walang kinalaman sa mga makina at programa sa pagbabasa ng mga balota at pagbibilang ng mga boto, at gagamitin lamang ang mga ito para i-transmit ang mga Election Returns at Certificates of Canvass.”

“Ito ay walang Election Program o Software na makakaapekto sa paggamit ng mga Automated Counting Machines (ACMs) at Consolidation and Canvassing Systems (CCS), pati na sa kabuoan ng Election Management System (EMS).”

Magsasagawa ng audit ang Comelec sa lahat ng mga kagamitan nito.

Inatasan na ng komisyon ang Election Officers and Provincial Election Supervisors nito na magsagawa ng imbestigasyon sa lahat ng hub, warehouse at storage areas ng iOne NV upang masiguro na nasusunod ang security protocols.

“Pinapaalala sa publiko at mga media organizations na palagiang nakalatag ang public transparency policies ng COMELEC, at maaaring mai-verify sa lahat ng oras ang anumang impormasyon patungkol sa halalan, gaya ng bagay na ito, upang maiwasan ang kalituhan o paglaganap ng mali at hindi tamang impormasyon na maaring magdulot ng pagkabahala at pag-alala sa ating mga kababayan,” aniya. RNT/JGC