Home NATIONWIDE Comelec: Walang nagsampa ng DQ case vs Bamban Mayor Guo

Comelec: Walang nagsampa ng DQ case vs Bamban Mayor Guo

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na walang nagsampa ng disqualification case laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ginawa ni Comelec chairperson George Erwin Garcia ang paglilinaw matapos mag-alinlangan ang mga senador at netizens kung paano nakatakbo si Guo para sa isang lokal na posisyon, sa gitna ng mga tanong sa kanyang nasyonalidad at umano’y kanyang pagkakaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Sinabi rin ni Garcia na nakalagay din sa batas at sa desisyon ng Korte Suprema na walang power ang komisyon mag-motu propio mag-diskwalipika ng kandidato base sa edad, citizenship, residency ,registration bilang botante at literacy o abilidad na magbasa at magsulat.

Aniya, naghain si Guo ng aplikasyon bilang registered voter noong Abril 2021, higit isang taon bago ang May 2022 polls.

“Our law says if you just submit a government-issued ID, you can be a registered voter unless somebody questions or opposes your application. Nobody questioned or opposed her application so she became a registered voter,” sabi ni Garcia.

Aniya, kailangang mayroong nagrereklamo sa isang disqualification case laban sa isang kandidato batay sa mga kwalipikasyong ito.

“At may filing period po ‘yun 25 araw, pagka-file ng candidacy. Pag walang nag-file, hindi na po pwedeng file-an ng disqualification o ‘yung tinatawag na cancellation of candidacy,” sabi ni Garcia.

Sinabi niya na ang mga natural-born o naturalized Filipino ay pinapayagan na maghanap ng mga lokal na posisyon.

Samantala, ang mga pambansang posisyon tulad ng presidente, bise presidente at senador ay limitado sa natural born Filipinos lamang.

Ang mga kandidato para sa mga lokal na posisyon ay dapat ding hindi bababa sa 21 taong gulang, marunong bumasa at sumulat, isang rehistradong botante, at isang residente ng lugar nang hindi bababa sa isang taon sa lugar kung saan siya ay naghahangad na mahalal.

“Ang role ng Comelec ay ministerial lamang,  as long as accomplished lahat ng blangko sa Certificate of Candidacy (COC) ia-accept namin , as long as under oath. Wala kaming discretion na i-refuse”, sabi ni Garcia. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)