Home METRO Unang ‘truly sustainable’ Eco City sa PH, kasado na sa Pasay

Unang ‘truly sustainable’ Eco City sa PH, kasado na sa Pasay

Inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang nalalapit na pagsasakatuparan bilang kauna-unahang “truly sustainable Eco City’’ sa Pilipinas na Pasay Eco City na makatutulong sa paglago ng ekonomiya sa lungsod.

“Naisakatuparan namin ang aming hangarin na pagsamahin ang ekonomiya at proteksiyon ng kalikasan sa ating Pasay Eco City na siyang pinakaunang sustainable Eco City sa bansa,” ani Mayor Calixto-Rubiano.

“Tayo’y nakatuon sa hinaharap, bitbit ang ating hangarin na mabigyan ng mas magandang buhay ang mga Pasayeño,” dagdag pa ng mayora.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang Pasay Eco City ay isang joint project ng lungsod katuwang ang mga partner mula sa pribadong sektor na ang tanging layunin ay gawing mas sustainable at globally-competitive ang lungsod para sa mga Pasayeño.

Bilang isa sa pinakamaliit at pinakamataong lungsod sa Metro Manila, makikinabang ang Pasay City sa 625 hektarya ng espasyo na lilikhain ng coastal development project.

Ayon pa kay Calixto-Rubiano, para makatiyak na kayang makipagsabayan ng Pasay Eco City sa ibang bansa ay nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa mga pribadong partner nito sa world-class urban master planning expert na Arup at Aecom at internationally acclaimed expert contractor gaya ng Royal Boskalis Westminster N.V. gayundin sa Royal Haskoning DHV.

Napag-alaman din kay Calixto-Rubiano na prayoridad ng proyektong Pasay 265 ang pagtatatag ng ecologically-beneficial na pampublikong espasyo sa pitong distrito nito na kinabibilangan ng Gateway, Channel East, Channel West, Central Park, North Dock, South Shore, at West Wharf.

Kasabay nito ay magkakaroon naman ang North Shore ng nakamamanghang tanawin ng Old Manila, Manila South Harbor, North Harbor at Roxas Boulevard na magbibigay ng espasyo para sa publiko na makihalubilo, magpahinga, at mag-enjoy sa tanawin ng pinakamagandang Manila Bay sunset.

Samantala, ang proyektong Pasay 360 naman ay magiging isang world-class at kauna-unahang smart city na environment at sustainably friendly, climate resilient at future-proof.

Idinisenyo ang Pasay 360 upang palakasin ang paglago at pamumuhunan sa buong Southeast Asia kasabay ng pagbawas sa carbon footprint at epektibong paggamit sa likas na yaman kung saan dito rin ilalagay ang mga bagong international business districts, mga world-class innovation hub pati na rin ang ecologically-friendly at modernong lungsod para sa lahat ng Pilipino.

Bukod pa sa mga nabanggit na proyekto ay sisimulan na rin ang pagsasagawa ng walking space at ang mas maganda at maayos na transportasyon, na bahagi ng 15-minute concept ni Calixto-Rubiano, kung saan ang mga pangangailangan at pampublikong serbisyo ay abot-kamay sa pamamagitan ng 15-minutong lakad o pagbisikleta sa lungsod.

Higit pa rito, tinitiyak ng world-class na Integrated Monorail System project, na proyekto ng Pasay LGU sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr), na mayroong access ang lahat ng indibidwal sa mga inaalok serbisyo ng Lungsod ng Pasay.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na kapag nakumpleto na ang mga nabanggit na proyekto, ito ay magiging katumbas ng Sentosa Express ng Singapore, Kuala Lumpur Monorail ng Malaysia, at Okinawa Urban Monorail ng Japan.

“Ang bisyon para sa isang smart at sustainable ng kinabukasan at magiging one-city journey na lamang. Kaya, ang multi-sectoral approach na kinabibilangan ng publiko at pribadong institusyon ay mahalaga para sa pag-unlad ng Pilipino—maging sa ekonomiya, edukasyon, imprastraktura at sa pang-araw araw na pamumuhay,” pagtatapos ni Calixto-Rubiano. (James I. Catapusan)