SUNOD-SUNOD ang mga ulat ng krimen sa National Capital Region. Mas nakababahala, sa ilang insidente, ang mga itinuturong suspek ay mismong mga pulis na silang mga inaasahang tagapagtanggol ng batas at kaayusan.
Sa ganitong kalagayan, hindi na sapat ang paliwanag na “iilang bulok na mansanas” lamang ang sangkot. Ang tanong ng publiko ay mas diretso ay “Kung palpak ang liderato, sino ang mananagot?”
Sa nakaraang buwan, ilang krimen ang umani ng matinding galit ng mamamayan. May mga kasong holdap na pulis ang itinuturong suspek. May insidente ng kidnapping na pulis din ang sangkot. May pagpaslang na ang suspek ay pulis na asawa rin ng biktimang pulis. May mga ulat pa ng carnapping na muli, pulis ang itinuturo. Ang mga ito ay hindi hiwa-hiwalay na pangyayari—ito ay malinaw na pattern na sumisira sa tiwala ng publiko sa institusyon ng pulisya.
Kapag ang mismong mga pulis ang nasasangkot sa mabibigat na krimen, hindi na ito simpleng usapin ng indibidwal na pagkakasala. Ito ay repleksyon ng sistema nang pamamalakad, disiplina, at pamumuno. Dito pumapasok ang prinsipyong command responsibility na ang nakatataas ay may pananagutan sa kilos at asal ng mga tauhan sa ilalim ng kanyang nasasakupan.
Kung gayon, hindi maiiwasang ituro ang pamunuan ng National Capital Region Police Office. Bilang pinakamataas na opisyal na responsable sa katahimikan at kaayusan sa rehiyon, dapat ay managot si PMGen Anthony A. Aberin, regional director ng NCRPO. Ang pananagutan ay hindi lamang sa korte o sa internal investigation, kundi sa moral at administratibong obligasyon na pangalagaan ang integridad ng mga pulis.
Ang pagsibak sa isang mataas na opisyal ay hindi paghahanap ng “scapegoat.” Ito ay malinaw na mensahe na may tunay na pananagutan sa gobyerno, at ang kapangyarihan ay may kaakibat na bigat. Kung walang mananagot sa antas ng pamunuan, paano muling mapaniniwala ang publiko na seryoso ang estado sa paglilinis ng hanay ng pulisya?
Sabagay, hindi naman kayang sibakin ng PNP hierarchy si Aberin dahil malapit daw siya sa kanyang pamato na si Pangulong Bongbong.
Basta ang alam ko, ang katahimikan at kaayusan ay hindi lamang nasusukat sa dami ng checkpoint o press release. Nasusukat ito sa tiwala ng mamamayan. At sa ngayon, ang tiwalang iyon ay patuloy na nauupos.






