MANILA, Philippines- Tablado kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri ang panukalang comprehensive sexual education (CSE) sa Senado na naglalayong sugpuin ang adolescent pregnancies.
Sa isang virtual press conference ilang araw matapos pumalag ang ilang grupo sa isang probisyon sa CSE ng Senate Bill 1979 o ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill.
“As long as I am there as a conservative legislator, this bill at its face at this point in time talagang I will stand firm with my position not to allow this to pass,” ayon kay Zubiri.
Tulad ni Senador Joel Villanueva, tinututulan ni Zubiri ang pagtuturo o panghihimok sa masturbation ng kabataan mula edad zero hanggang apat na taon at paghikayat sa “bodily pleasure” o “sexual rights” sa kabataan na may edad mula anim hanggang siyam na taong gulang sa kurikulum na itinakda ng UNESCO at World Health Organization.
“‘Pag tuturuan mo ang mga bata na six years old pa lang nitong mga sexual orientation, pati itong sexual pleasure ay talagang magkakaproblema tayo. Instead of the bill preventing adolescent pregnancy baka magkaroon pa tayo ng mas maraming adolescent pregnancy because of experimentation,” ayon kay Zubiri.
Pero, nilinaw niya na hindi siya tutol sa probisyon na may layunin na magbigay ng healthcare access sa teenage mothers.
“Sang-ayon ako as a compromise dun sa mga teenage pregnancy healthcare… bigyan natin ng tamang hospitalization, ‘yung gamot ang mga kabataan na nabuntis. ‘Yan okay po yan,” aniya.
Aniya, titindig ang panukala kapag walang edukasyon, walang forceful introduction ng sexual orientation at sexual education sa bata na may edad anim hanggang walong taong gulang hanggang 14-anyos.
Nakatakda sa Adolescent Pregnancy Prevention Bill, magiging bahagi ang Comprehensive Sexuality Program bilang “compulsory part of education, integrated at all levels with the end goal of normalizing discussions about adolescent sexuality and reproductive health and to remove stigma at all levels.”
Nakatakda din sa Section 6 ng panukalang CSE ang pariralng: “shall be integrated in the school curriculum, guided by [the Department of Education] and international standards.”
Naunang nilinaw ni Senador Risa Hontiveros, isponsor ng SB 1979 na walang probisyon ang panukala hinggil sa pagtuturo o panghihikayat sa pagbabate ng kabataan na may edad zero hanggang apat na taon at pagtuturo ng “bodily pleasure” o “sexual rights” sa batang may edad anim hanggang siyam na taong gulang.
Aniya, halaw ang panukala sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Law na nagbabasura sa paniniwala na unconstitutional ang SB 1979.
“Hindi ibig sabihin ay kokopyahin lang lahat na ang naka-publish sa UNESCO o WHO.
Siyempre kung may mga nakasaad diyan na hindi akma sa konteksto at kultura ng Pilipinas, siyempre hindi yan gagamitin. Common sense po iyan,” ani Hontiveros said
“DepEd pa rin, kasama ang ibang relevant agencies, at dapat may consultation with various stakeholders, ang mag-iimplement ng CSE. Hindi kung sino-sinong international body. Wala pong magdidikta sa ating gubyerno kundi tayong mga Pilipino,” dagdag ni Hontiveros. Ernie Reyes