CALOOCAN CITY — Patuloy na nangunguna si Congressman Mitch Cajayon-Uy sa karera para sa Kongreso sa Ikalawang Distrito ng Caloocan City, batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research na isinagawa ngayong Marso.
Sa tanong ng survey: “Kung gaganapin ngayon ang halalan sa Mayo 2025, sino ang iboboto ninyo bilang KONGRESISTA NG DISTRICT 2 NG CALOOCAN CITY?” — nakatanggap si Rep. Cajayon-Uy ng 57.87% ng suporta mula sa mga tumugon, katumbas ng 135,006 botante. Malayo ang agwat kay dating Congressman Egay Erice ng Liberal Party na may 34.41%, o 80,278 boto.
Lamang si Rep. Cajayon-Uy ng 54,728 boto laban sa kanyang pinakamalapit na katunggali. Samantala, 7.72% o katumbas ng 18,010 na botante ang hindi pa rin nakakapagdesisyon.
Ang naturang survey ay kinomisyon ni Junior Gan at isinagawa mula Marso 25–29. Nauna rito, nanguna rin si Rep. Cajayon-Uy sa isang survey ng Social Weather Stations noong Marso.
Sa ika-19 na Kongreso, pinatunayan ni Rep. Cajayon-Uy ang kanyang husay bilang mambabatas sa pamamagitan ng paghahain ng 282 panukalang batas, kung saan 54 ang naisabatas. Kabilang sa kanyang mahahalagang nagawa ay ang Expanded Centenarian Law at ang No Permit, No Exam Prohibition Act.
Ang patuloy na tagumpay ni Rep. Mitch Cajayon-Uy sa larangan ng batas at ang kanyang malasakit sa kanyang mga nasasakupan ay patunay ng kanyang matibay na posisyon sa darating na halalan. RNT