Home NATIONWIDE 48K pa lang sa 1.2M overseas voters ang naka-enroll para sa Eleksyon...

48K pa lang sa 1.2M overseas voters ang naka-enroll para sa Eleksyon 2025 – Comelec

MANILA, Philippines- Nasa 48,000 overseas Filipino voters ang nag-enroll sa pre-voting enrollment system para sa 2025 polls, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Garcia na mayroong 1.231 milyong Filipino voters abroad.

Inaasahan ng Comelec na marami pang overseas Filipinos ang maaaring bumoto sa 2025 election sa kauna-unahang internet voting system.

Sa mga nakaraang halalan na may 1.697 milyong botante sa ibang bansa, sinabi ni Garcia na nasa 40.59% ang voter turnout, na siyang pinakamataas sa kasaysayan.

Binuksan ng Comelec ang pre-voting enrollment system para sa online voting and counting system (OVCS) noong Marso 20.

Nauna nang sinabi ni Garcia na handa na rin sila sa pagdagsa ng mga botanteng Pilipino sa ibang bansa na maaaring mano-mano ang kanilang pagboto.

Sa 90 Philippine diplomatic posts, 77 ang lalahok sa kauna-unahang online voting and counting system (OVCS) at 16 ang gagamit ng automated counting machines (ACMs).

Ang simula ng pagboto sa ibang bansa ay sa Linggo, Abril 13. Ang mga botante sa ibang bansa ay maaaring bumoto online hanggang Mayo 12, araw ng halalan sa Pilipinas.

Samantala, ang overseas Filipino voters na nahihirapang mag-enroll sa pre-voting system ay maaaring direktang makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga embahada para sa manual registration. Jocelyn Tabangcura-Domenden