BOGO CITY, CEBU — Buong pwersang inendorso ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia si senatorial candidate Manny Pacquiao sa isang proclamation rally na ginanap kamakailan sa Bogo City.
Sa harap ng mga taga-suporta, idineklara ni Garcia ang layunin na gawing topnotcher si Pacquiao sa darating na halalan sa Cebu.
“Sobra ang kanyang dedikasyon dahil nangako siyang sasama at muling iikot sa North, at tatapusin niya ito nang walang kapaguran. Siguro panahon na talaga para gawing number 1 na senador si Manny dito sa ating lalawigan ng Cebu,” ani Garcia.
Ang pagtitipong inorganisa ng One Cebu party ay isa sa pinakamalaking pagtitipon pampulitika sa hilagang bahagi ng lalawigan. Bukod sa pag-endorso kay Pacquiao, tampok din sa nasabing rally ang muling pagkakaisa ng mga pamilyang Garcia at Martinez—na dati’y may dalawang dekadang hindi pagkakaunawaan sa politika.
Bilang bahagi ng pagkakasundong ito, nanumpa sa One Cebu party sina Bogo City Mayor Carlo Jose Martinez at Vice Mayor Maria Cielo “Mayel” Martinez, bilang pagsuporta sa liderato ni Gov. Garcia at sa panawagan ng pagkakaisa.
Ang One Cebu party, na itinatag bilang tugon sa Sugbuak movement—isang panukalang hatiin ang Cebu sa iba’t ibang lalawigan—ay patuloy na isinusulong ang pagkakaisa at pag-unlad ng lalawigan. Sa pangunguna ni Gov. Garcia, nananatiling makapangyarihan ang One Cebu sa politika ng lalawigan.
Ang malakas na suporta ni Gov. Garcia kay Manny Pacquiao at ang aktibong pakikibahagi nito sa rally ay malinaw na senyales ng isang matatag na alyansang pampulitika sa Cebu—isang vote-rich na lugar. RNT