Home HOME BANNER STORY 2 Grade 8 studes tigok sa saksak ng 3 kapwa estudyante

2 Grade 8 studes tigok sa saksak ng 3 kapwa estudyante

MANILA, Philippines- Maagang binawian ng buhay ang dalawang lalaking Grade 8 students nang pagsasaksakin ng tatlong kapwa estudyante kasunod ng hindi pagkakaintidihan na nauwi sa malagim na insidente, malapit sa kanilang eskwelahan sa kahabaan ng Balikatan Street, Barangay CAA sa Las Piñas City bandang alas-7 ng gabi noong Biyernes, April 11.

“Nagkaroon ng misunderstanding sa loob ng eskwelahan… Paglabas dun sinundan ng saksak itong mga biktima,” pagbabahagi ni Police Col. Sandro Jay Tafalla, hepe ng Las Piñas City Police Station.

Inilahad ng Investigator-On-Case na si PSSg Neptali Maliclic na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng isa sa mga biktima at isa sa mga Child in Conflict with the Law (CICL) na 15 taong gulang na Grade 9 student sa loob ng palikuran sa eskwelahan bandang alas-4 ng hapon.

“Dahil lang sa ilaw sabi ng isa sa mga witnesses natin, nagkasagutan sila dahil itong isa sa mga biktima pinapatay-sindi yung ilaw so dahil ang isa sa mga CICL natin ay ahead ng isang taon, probably he felt we were assuming that he felt offended at nagkaroon sila ng sagutan,” wika ni PSSg Maliclic.

Lumabas din sa ulat na pinsan ng nasabing biktima ang isa pang biktima na sumundo lamang sa kanya sa eskwelahan, kung saan sila inabangan.

“Inatake sila suddenly and unexpectedly unang tinamaan yung isa sa mga victim natin (pinsan na nagsundo lang) sa left neck niya lateral neck so naitakbo siya sa hospital but he was… pronounced dead,” ani PSSg Maliclic.

Samantala, namatay din ang biktimang nakaalitan ng isang CICL.

Batay sa ulat, walang pasok noong araw na maganap ang insidente ang dalawa pang CICL na edad 14-anyos na Grade 7 student at edad 16-anyos na Grade 10.

“Wala naman silang pasok. In fact, magkakaiba sila ng grade level. Magkakaiba din sila ng edad. Sila ay magkakakilala lang na nakatira sa isang lugar,” paglalahad ni Maliclic.

Hustisya ang sigaw ng pamilya ng mga biktima, habang sinabi nina PCol. Tafalla at PSSg Maliclic na isinuko na ng mga magulang ang mga CICL.

“Nakumbinsi natin yung mga magulang na makipag-cooperate at yun nga hanggang sa lumantad na sila dahil sa ating negotiation sa magulang,” pahayag ni PCol. Tafalla.

Dadalhin umano ang mga CICL sa Bahay Pag-asa sa Las Piñas City.

“Protocol kapag tayo ay merong custody ng children in conflict, iba po ang proseso niya kumpara sa mga regular na suspects natin,” ayon kay Maliclic.

“May kakaharapin silang kasong pagpatay we will determine kung ano yung particular crime but definitely they will be charged for either homicide or murder depende sa circumstances na ating makukuha depending sa course of investigation,” sabi naman ni Tafalla. RNT/SA