Home TOP STORIES Cong. Leviste, umaming may nasilip na insertion ang inang si Sen. Legarda

Cong. Leviste, umaming may nasilip na insertion ang inang si Sen. Legarda

260
0

MANILA, Philippines – Inamin ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may insertions sa pambansang budget ang kanyang ina na si Senador Loren Legarda, batay sa listahang sinabi niyang nakuha niya mula sa yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Catalina Cabral.

“I can say, nandiyan. Tinanong ko siya at sinabi niya, hindi naman niya alam iyong mga nakalista diyan at sa mga senator actually pinakamaliit ang sa kanya,” ani Leviste sa isang panayam sa radyo.

“Pero tinanong ko siya talaga at sabi niya, hindi niya alam ang mga ito. Pero kinukumpirma ko po na lahat ng tiningnan ko ay nandiyan sa listahan,” dagdag pa niya.

Sa nasabi ring panayam, kinumpirma rin ng solon na base umano sa hawak nyang dokumento, lahat ng senador ay may insertions sa 2025 budget, kung saan ang kanyang ina ay may pinakamaliit umano na insertion na nagkakahalaga ng P1-Bilyon.

Ayon kay Leviste, ibinigay umano sa kanya ni Cabral ang listahan nang may pahintulot ng DPWH Secretary na si Vince Dizon, na ayon sa kanya ay kausap niya sa telepono noong mga oras na iyon.

Gayunman, viral sa social media ang isang Reddit post ang nag-akusa na sapilitan umanong pumasok ang mambabatas sa tanggapan ng opisyal ng DPWH at pilit na inagaw ang mga dokumento mula sa kamay nito.

Dahil sa umano’y insidente, nagtamo ng paper cut sa daliri si Cabral, na nakita umano nang dumalo siya sa isang pagdinig sa Kongreso kinabukasan, dagdag pa sa nasabing post. Una nang nagbitiw sa puwesto si Cabral matapos maiugnay sa iskandalo sa flood control.

Muling lumabas sa social media ang naturang post kasunod ng pagkamatay ni Cabral, na nahulog sa isang bangin sa kahabaan ng Kennon Road noong Huwebes. Kinumpirma ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng DNA test, ayon sa Department of the Interior and Local Government. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here