Home NATIONWIDE Cong. Pulong Duterte inireklamo ng pambubugbog sa DOJ

Cong. Pulong Duterte inireklamo ng pambubugbog sa DOJ

MANILA, Philippines- Inireklamo sa Department of Justice (DOJ) ng physical injuries at grave threats si Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte.

Batay sa reklamo ng negosyante, nangyari umano ang insidente
February 23, Linggo sa isang bar sa Davao City.

Kinumpirma naman ni Prosecutor General Richard Fadullon ang inihaing complaint affidavit ng hindi pinangalangan na indibidwal.

Batay sa sworn statement, sinabi complainant na binantaan siya ni Duterte habang hawak ang kutsilyo at pinagsusuntok umano ng halos dalawang oras.

“At hineadbutt niya ko sa ulo ng maraming beses at ako ay humihingi sa kanya ng patawad kung ano man ang nagawa kong mali sa kanya ngunit patuloy pa rin siya na hineadbutt ang aking ulo at inuundayan niya ulit ako ng kutsilyo,” nakasaad sa reklamo.

Ipinasara umano ni Duterte ang CCTV nang makita itong nakabukas.

“Halos 2 hours niya akong sinaktan sa loob ng bar. Suntok, sampal, tadyak, ang aking inabot kay Paolo Duterte dahil sa galit niya sa akin,” dagdag sa complainant.

Matapos umano ang pmbubugbog ay binigyan siya ni Duterte ng P1,000 sa bawat tinamo nitong tama.

Sinabi ng complainant na hindi na siya nagpaospital at hindi na naghain ng kaso dahil sa takot.

Kumakalat naman sa social media ang video kung saan inuundayan ni Duterte ang isang lalaki at hineadbutt habang nakapalibot ang mga bodyguard nito.

Samantala, sa isang video message, sinabi ni Congressman Duterte na matagal nang nangyari ang insidente.

Ipinauubaya na niya sa kanyang nasasakupan ang desisyon kung sino ang kanilang iboboto bilang 1st district representative ng Davao.

Naihain na aniya sa CIDG ang reklamo.

Hinahanap pa ng abogado ni Pulong Duterte kung saan galing ang naturang video. Teresa Tavares